Pamilyang Garcia ng Brgy. Guinhawa, Itinanghal na Huwarang Pantawid Pamilya 2025 ng Bayan ng Quezon.

Quezon, Quezon—Isang araw ng pagdiriwang, inspirasyon, at pagkilala ang naganap sa Quezon Municipal Training Center nitong Mayo 23, 2025, sa pagsasagawa ng Municipal Search for Huwarang Pantawid Pamilya 2025. Sa pagtatapos ng masusing pagpili, itinanghal bilang Huwarang Pamilya ng Bayan ng Quezon ang Pamilyang Garcia mula sa Barangay Guinhawa, habang nakuha naman ng Pamilyang Macandog mula sa Poblacion 4 ang ikalawang pwesto.
Ang nasabing patimpalak ay isinagawa upang kilalanin ang mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na tunay na nagsasabuhay ng disiplina, pagtutulungan, at malasakit sa kapwa—mga pamilyang, sa kabila ng hamon ng buhay, ay patuloy na tumatayo, nagpupunyagi, at nagsisilbing inspirasyon sa komunidad.
Layon ng programa na bigyang linaw ang tunay na diwa ng 4Ps — hindi bilang simpleng ayuda mula sa gobyerno, kundi isang pambihirang oportunidad para sa mga pamilyang Pilipino na makabangon mula sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon, kalusugan, at responsableng pamumuhay.
Ang Pamilyang Garcia ang magiging kinatawan ng bayan ng Quezon sa Cluster 4 Search for Huwarang Pamilya 2025, kung saan magsasama-sama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang bayan sa ikaapat na distrito.
Sa pagtatapos ng programa, dama ang diwa ng pagkakaisa, pag-asa, at inspirasyon sa bawat kwento ng pamilyang kalahok. Patunay ito na sa tulong ng 4Ps, at sa puso’t sipag ng bawat Pilipino, kayang bumuo ng mas matatag at mas maunlad na kinabukasan.





